Nakatakdang sampahan ng kasong sibil at kriminal ang driver ng dump truck mula sa Tabuk City, Kalinga kaugnay sa pagbagsak ng P1.2 billion na Sta. Maria–Cabagan Bridge sa Isabela noong Pebrero 27, 2025.
Sa isang panayam, sinabi ni Manuel Bonoan, kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) natapos na ang technical investigation sa naturang insidente at inirekomenda ang pagsasampa ng kaso.
Sinabi ni Bonoan na ang kanilang rekomendasyon ay maghahain ng civil cases laban sa mga contractor, designer at ang truck na nakasira sa nasabing tulay.
Batay sa imbestigasyon ng DPWH, bumigay ang bahagi ng tulay nang tawirin ito ng driver ng dump truck na may kargang 102 toneladang bato.
Inaasahang maisasampa ngayong linggo ang mga kaso laban sa driver.
Sinimulan ang konstruksion ng 990-meter na tulay noong November 2014 at natapos noong February 1, 2025 at bumigay ang bahagi nito noong February 27, 2025.
Matatandaan na binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) na hindi niya papayagan ang korapsion sa paggawa ng infrastructure projects.
Inihalimbawa ni Marcos ang Cabagan-Santa Maria bridge.
Magugunita rin na sa ginawang inspeksion ni Marcos sa tulay noong buwan ng Marso, sinabi niya na “design flaw” ang isang dahilan ng pagbagsak ng tulay dahil ang istraktura ay dinisenyo para sa mga sasakyan na may load na 44 tons.
Bukod dito, sinabi ni Marcos na isa rin sa dahilan ng insidente ay kakulangan ng tamang monitoring ng mga sasakyan na dumadaan sa tulay.
Ang nasabing tulay ay ruta na nagkokonekta sa Cabagan at Santa Maria papuntang Enrile, Cagayan at Tabuk City.