Matagumpay na naharang ng Amulung Police Station, sa pangunguna ni PLT Eloide Fuggan, deputy chief of police ng Amulung Police Office, ang isang truck na sangkot sa insidente ng hit-and-run sa bayan ng Cabatuan, Isabela noong Hulyo 27, 2025, na ikinasawi ng isang biktima.

Bandang alas-7:00 kagabi, isang flash alarm ang ipinadala ng Cabatuan Police Station sa pamamagitan ng Isabela Police Provincial Office (PPO), na agad na ikinalat sa mga police stations sa Cagayan.

Ayon sa ulat, namataan ang nasabing sasakyan sa bayan ng Alcala, Cagayan.

Bilang tugon, agad na nagsagawa ng checkpoint operation ang Amulung Police sa Barangay Estefania.

Makalipas ang 15 minuto, bandang alas-7:15 kagabi, matagumpay na naharang ang isang Isuzu truck na may plakang KAN 7852, kasama ang hinihinalang suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa beripikasyon, at agad na nakipag-ugnayan ang Amulung Police sa Cabatuan Police Station para sa maayos na turnover ng suspek at ng sasakyan.

Kinilala ang suspek na si aka Lando, 33-anyos, may asawa, at siyang nagmaneho ng naturang truck.

Napag-alamang ang nasabing sasakyan ay nakarehistro sa isang aka Mar.

Ang tagumpay ng operasyong ito ay bunga ng mabilis na koordinasyon at maagap na aksyon ng Amulung Police Station, alinsunod sa direktiba ng Philippine National Police na palakasin ang kampanya kontra kriminalidad, partikular na sa mga insidenteng kinasasangkutan ng paglabag sa batas trapiko at kaligtasan sa kalsada.