Patay ang 43-anyos na driver matapos bumangga ang minamaneho niyang truck ng basura sa isang bahay at tindahan sa Mabuhay Homes, Barangay Darangan, Binangonan, Rizal, nitong hapon ng Martes, Hulyo 8, 2025.
Ayon sa imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver bago tuluyang sumalpok ang trak sa istruktura.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga gamit sa loob ng bahay at nasugatan ang isa sa mga nangungupahan.
Isa sa tatlong alagang aso ng pamilya ang nasawi matapos madaganan ng gumuhong semento, habang isa pa ang isinugod sa veterinary clinic dahil sa matinding internal hemorrhage.
Tinatayang nasa kalahating milyong piso ang halaga ng pinsala sa bahay, habang ang katabing tindahan ay nagtamo rin ng pinsalang aabot sa isang daang libong piso.
Unang inakalang tumakas ang driver, ngunit kalaunan ay natagpuan ang katawan nito na naipit sa loob ng trak.
Naalis lamang ang sasakyan mula sa lugar pasado alas-otso ng gabi dahil sa masamang panahon.
Nakatakdang ibiyahe ang kanyang labi patungong Isabela para doon iburol at ilibing.