Sa pagdiriwang ng ika-250 anibersaryo ng kalayaan ng Estados Unidos, muling naghatid si US President Donald Trump ng isang campaign-style na talumpati sa National Mall sa Washington, D.C., kung saan iginiit niya ang panawagan para sa mas mahigpit na batas sa halalan at nagbabala sa umano’y pag-usbong ng komunismo sa bansa.

Sa kanyang talumpati, pinagmalaki ni Trump ang mga tagumpay ng Amerika sa kasaysayan, kabilang ang paglapag sa buwan at iba pang makasaysayang tagumpay. Muli rin niyang iginiit ang panukalang paghihigpit sa mail-in voting at pag-aatas ng patunay ng pagkamamamayan bago makapagparehistro bilang botante.

Nagbabala rin si Trump laban sa umano’y “banta ng komunismo,” na inihalintulad niya sa isang “kanser” na dapat agad mapigilan. Iginiit din niyang napahina na ng kanyang administrasyon ang kakayahang militar ng Iran.

Bagama’t bahagi ng opisyal na paggunita sa ika-250 anibersaryo ng Estados Unidos ang programa, naging sentro rin ito ng kritisismo dahil sa umano’y pagiging politikal ng selebrasyon. Ayon sa isang survey, karamihan sa mga Amerikano ang naniniwalang masyado nang nahahaluan ng pulitika ang pagdiriwang ng makasaysayang okasyon.