
Nagpahayag si US President Donald Trump ng kanyang pananaw matapos ang insidente ng pamamaril sa isang media event sa Washington, na kabilang sa mga serye ng banta sa kanyang seguridad.
Nangyari ang kaguluhan sa ginanap na White House Correspondents’ Dinner kung saan isang armadong suspek ang nagtangkang lumapit sa lugar ng event.
Ayon kay Trump, matagal na niyang pinag-aaralan ang mga kaso ng assassination at napansin niyang kadalasang tinatarget ang mga lider na may malaking epekto sa bansa, gaya ni dating Pangulong Abraham Lincoln.
Ipinunto rin ng pangulo na marami na umano siyang nagawang pagbabago sa Amerika kaya may ilang hindi nasisiyahan sa kanyang pamumuno, na posibleng dahilan ng mga ganitong insidente.
Matatandaang nakaligtas si Trump sa isang tangkang assassination noong 2024 habang nasa campaign rally.
Sa kabila nito, sinabi ng pangulo na nananatili siyang kalmado at sinusubukang mamuhay nang normal kahit may kaakibat na panganib ang kanyang posisyon.
Nagpasalamat din si Trump sa ipinakitang suporta at pagkakaisa matapos ang insidente, kabilang na ang mula sa media.
Samantala, binanggit din ng pangulo ang isyu ng seguridad sa venue ng event, at iginiit ang kahalagahan ng planong pagpapatayo ng bagong ballroom sa White House upang mas mapabuti ang seguridad sa mga susunod na pagtitipon.






