Inaasahang masusundan pa ang paghaharap nina U.S. President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin para sa pagbuo ng ceasefire deal na magtatapos sa digmaan sa Ukraine na nagsimula pa noong Pebrero 2022.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Phil-Am Legal Services head Atty Joy Ruth Matanguihan at Presidente ng Filipino American Chamber of Commerce sa Alaska, bagamat walang nangyaring pinal na kasunduan sa pag-uusap ng dalawang lider sa Anchorage City subalit malinaw aniya na unang hakbang ito sa pagsusulong ng tigil-putukan.
Ngayong Lunes, sinabi ni Matanguihan na nakatakdang ilatag ni Trump ang mga napagusapan nila ni Putin kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy.
Pagkatapos nito ay babalik si Trump sa pakikipagpulong kay Putin na posibleng kasama si Zelenskyy na isagawa sa Russia o Ukraine.
Dagdag pa ni Mataguihan, napipilitan na ang Russia na makipagkasundo upang wakasan na ang giyera sa Ukraine dahil sa pagbagsak ng ekonomiya ng Russia na dulot ng ipinataw na sanctions sa export ban sa ilang mga produkto nito kabilang na ang langis.