Sinimulan nitong Biyernes ng Truth Commission ang pampublikong pagdinig kaugnay ng mga alegasyon ng extrajudicial killings o EJK, tampok ang kaso ng 19-anyos na si Raymart Siapo.

Ayon kay Luzviminda Siapo, ina ni Raymart, dinukot at pinatay umano ang kanyang anak ng mga armadong lalaki na pinaniniwalaan niyang konektado sa pulisya sa Navotas noong Marso 29, 2017.

Samantala, sinabi ni forensic expert Dr. Raquel Fortun na hindi kumpleto ang mga labi ni Raymart nang suriin ito matapos ang exhumation. Nakitaan din ng posibleng mga fragment ng bala sa bungo at mga pinsalang natamo bago o sa oras ng pagkamatay.

Ayon kay Fortun, gunshot wounds ang sanhi ng pagkamatay ni Raymart at inuri niya ito bilang homicide. Gayunman, hindi matukoy ang eksaktong bilang ng mga putok dahil sa kakulangan ng mga labi.

Sinabi naman ni Truth Commission chairperson Atty. Raul Pangalangan na maaaring ipasa sa pamahalaan at international human rights organizations ang mga makakalap na ebidensya para sa posibleng kaukulang aksyon.

-- ADVERTISEMENT --