Inihayag ng Department of Agriculture na simula Setyembre 16, isasama na ang mga tsuper ng dyip at tricycle sa programang ₱20 kada kilo na bigas ng ahensiya.
Ayon kay Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., unang ipatutupad ito sa limang pilot areas, kabilang ang Navotas, kung saan higit 4,000 rehistradong drayber ang maaaring makinabang.
Nakikipag-ugnayan na ang DA sa Department of Transportation upang gamitin ang database ng mga lehitimong drayber ng pampublikong transportasyon.
Ang programa, na una nang inilunsad para sa mga solo parent, senior citizen, 4Ps beneficiaries, at PWDs, ay pinalawak na rin para sa mga minimum wage earners, magsasaka, mangingisda, low-income DepEd employees, at benepisyaryo ng DSWD’s Walang Gutom Program.
Maaaring bumili ng hanggang 10 kilo ng bigas bawat buwan ang kwalipikadong benepisyaryo gamit ang valid ID o QR code.
Inaasahang ilulunsad sa Oktubre 1 ang “P20 App” upang gawing mas madali at transparent ang distribusyon. Tiniyak din ng DA na may sapat na suplay ng bigas, sa tulong ng planong pagbebenta ng 1.2 milyong sako mula sa NFA sa susunod na buwan.