Unti-unti nang humuhupa ang baha sa lalawigan ng Cagayan at maging dito sa lungsod ng Tuguegarao kasabay ng pagbaba ng lebel ng tubig sa ilog Cagayan.

Sa katunayan, umabot sa 11.6 meters ang water level sa Buntun bridge sa Tuguegarao City na lampas sa critical level na 11 meters kahapon bunsod ng mga tubig na bumaba mula sa kabundukan ng Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino sa ibinagsak na mga ulan ng bagyong Pepito na sinabayan ng pagpapakawala ng tubig ng Magat dam.

Ito ay sa kabila na hindi naman direktang naapektohan ng bagyo ang Tuguegarao at Cagayan.

Kaugnay nito, umabot sa 16,810 families na binubuo ng 51,145 individuals ang lumikas dahil sa malawakang pagbaha sa 100 na barangay sa 11 bayan at isang lungsod sa Cagayan.

Pinakamalaking bilang ng mga evacuees sa Tuguegarao City na may 11,517 families na binubuo ng 34,595 mula sa 46 barangay.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que, nagpapasalamat sila sa kooperasyon ng mga residente na sa mga bahaing lugar dahil sa agad silang lumikas at walang naitalang anomang hindi kanais-nais na insidente.

Pinuri at pinasalamatan din niya ang lahat ng mga tumulong na responders at rescuers, mga pribadong kumpanya at indibidual, uniformed personnel sa pagtugon sa pangangailangan ng mga evacuees at mga responders.

Marami na ring barangay, municipal at provincial roads at mga tulay ang naging impassable dahil sa pag-apaw ng ilog sa ilang bayan sa lalawigan.