All set na ang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Tuguegarao City kaugnay sa pagsasagawa ng 2023 Bar Examinations na magsisimula bukas September 17.
Ayon kay Arthur Blaquera, head ng Public Safety and Security Office ng lungsod na ipatutupad ang liquor ban upang matiyak ang seguridad ng lahat kasunod ng tatlong araw ng pagsusulit na gaganapin sa September 17, 20 at 24.
Mahigpit rin na ipagbabawal ang paggamit ng drum para sa tradisyunal na Salubong sa mga barista sa pagtatapos ng kanilang pagsusulit.
Kasabay nito ay nakahanda na ang nasa 46 na traffic enforcers na makakatuwang ng pulisya sa pagbabantay ng trapiko at seguridad ng mga examinees sa Cagayan State University, Carig Campus bilang isa sa mga local testing center sa naturang pagsusulit sa buong bansa.
Sinabi ni Blaquera na nakapaglagay na rin sila ng mga signages sa apat na entrance o exit sa testing center na kinabibilangan ng Carig Maharlika Highway papasok ng CSU at mga lansangan o kanto sa Cagayan Valley Medical Center, Commision on Audit at sa Development Bank of the Philippines.
Magsisilbi namang drop off point ang likurang bahagi ng gate ng CSU kung saan may nag-aantay na sasakyan na ibinigay ng lokal na pamahalaan para maghatid sa mga bar takers sa kanilang room assignment.
Mayroon namang naitalagang parking space sa bahagi ng Regional Trial Court, harap ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) at National Police Commision.