Tuguegarao City- Balik Modified General Community Quarantine (MGCQ) na ang lungsod ng Tuguegarao matapos ang 14 na awaw na pagpapatupad ng MECQ dahil sa patuloy na pagtaas na kaso ng local transmission.

Sa pahayag ni City Mayor Jefferson Soriano, palalawigin na ang paggamit ng COVID shield control pass mula ngayong araw hanggang Desyembre 31 upang mamonitor ang galaw ng publiko.

Aniya, exempted sa paggamit ng covid shield pass ang mga government workers at banking institution employees mula lamang sa mga araw ng Lunes hanggang Biyernes.

Ipatutupad din sa lungsod ang curfew hours mula alas 11 ng gabi hanggang alas 4 ng madaling araw.

Sinabi pa ng alkalde na simula sa lunes Oktubre 19, hahanapan na ng travel pass na kukunin sa kanilang munisipyo ang mga biyaherong manggagaling sa iba’t ibang probinsya kasama na ang mga bayan sa Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito ay hindi kabilang sa mga bayan na hahanapan ng travel pass ang mga manggagaling sa Solana, Iguig at PeƱablanca dahil kabilang sila sa Metro Tuguegarao ngunit valid IDs ang kailangang iprisinta sa mga checkpoints.

Binigyang diin din ng alkalde na dapat magdala ng photocopy ng mga travel pass ang mga biyahero na iiwan sa mga checkpoint areas upang maiwasan na ang pagkaantala dahil sa mahabang pila.

Ipinunto pa nito na ang mga Authorized Person Outside Residence (APOR) at mga negosyante na magtutungo sa Tuguegarao City ay kailangan namang ipagbigay-alam ang kanilang mga itinerary at pangalan ng mga makakasalamuha upang mapadali ang contact tracing sakaling mahawaan ng virus.

Karagdagan pa aniya rito ay nakikipag-ugnayan na ang LGU Tuguegarao sa mga airline companies para sa pagbubukas ng commercial flights sa lungsod.

Alinsunod naman sa bagong panuntunan ng IAFF ay papayagan na ring lumabas ang mga edad 15-65 ngunit kailangang sumunod pa rin sa mga ipinatutupad na panuntunan laban sa COVID-19.

Samantala, inihayag ni Mayor Soriano na isasara naman ang lahat ng sementryo sa lungsod sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 upang maiwasan ang pagkukumpulan sa pagbisita sa mga labi ng namayapang kaanak.

Bago at pagkatapos ng nabanggit na mga araw ay tanging 30% mula sa total capacity ang papayagan lamang na dumalaw sa mga libingan.