TUGUEGARAO CITY-Isinailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang lungsod ng Tuguegarao kasunod nang pagtatapos ng pitong araw na General Community Quarantine(GCQ) ngayong araw, Pebrero 10,2021.

Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, pinaluwag ang community quarantine restriction simula bukas, Pebrero 11, 2021 para matulungan ang mga residente sa lungsod lalo na ang mga nawalan ng trabaho at nagsarang establishimento sa panahon ng ECQ at GCQ.

Kaugnay nito, ipapatupad ang curfew hour mula alas-12 ng hating gabi hanggang alas-kwatro ng madaling araw para mabigyan ng oras ang mga nagtatrabaho sa mga mall maging sa restaurant na umuwi sa kanilang mga tahanan.

Hanggang 50 percent seating capacity naman ang papayagan sa dine-in maging sa personal care service establishment tulad ng burber shop.

Sa mga public transportation, tanging ang mga tricycle may plate number na nagtatapos ng 1,2,3,4 ang maaaring bumyahe kapag araw ng Lunes at Martes; 5,6,7 sa Miyerkules at Huwebes habang 8,9,0 sa araw ng Biyernes hanggang Linggo.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapayagan na rin ang backriding ng motorsiklo sa lahat basta’t sundin ang mga nakalatag na health protocols at tinanggal na rin ang liquor ban sa lungsod.

Pinalawig naman ng pitong araw ang paggamit ng covid shield control pass para malimitahan pa rin ang paglabas ng publiko.

Tatanggap na rin ang LGU-Tuguegarao ng mga LSI o Locally Stranded Individual at Returning Overseas Filipino Workers pero kailangang sumailalim quarantine.

Paliwanag ng alkalde, sa unang limang araw ay sasailalim ito ng quarntine sa mga pasilidad ng lungsod at sa pang-anim na araw ay sasailalim sa iba’t-ibang covid-19 test, kung sakali na nagnegatibo ay papauwiin na sa kanilang bahay para doon na ipagpatuloy ang quarantine pero lalagyan ng wristband at indelible ink ang daliri na nagsisimbolo na nakasailalim ito sa quarantine.

Kaugnay nito, hinimok ng alkalde ang publiko na kung may makitang lumalabas na may suot ng nasabing gamit ay agad ipagbigay alam sa kinauukulan para mapatawan ng parusa.

Samantala, sinabi ni Soriano na hindi na rin kailangan ang travel pass sa mga papasok sa lungsod na mula sa iba’t-ibang bayan ng Cagayan maliban sa mga manggagaling sa Enrile.

Hahanapan naman ng travel pass ang mga papasok sa lungsod na manggagaling sa ibang probinsya sa rehiyon habang travel authority sa mga manggagaling sa labas ng Region 2.