Sinimulan na ng City Civil Registry Office ng Tuguegarao ang pagtanggap ng aplikasyon para sa isasagawang kasalang bayan sa buwan ng Pebrero.

Ayon kay Carol Calucag, head ng Civil Registry Office, tatagal ang pagtanggap nila ng aplikasyon hanggang sa Pebrero 15 ngayong taon at aabot naman sa 75 couples o pares ang kanilang target na ikakasal sa ika-28 ng Pebrero.

Kung sakali na lumagpas sa inaasahang bilang ang mga mag-aaply na magpapakasal ay tiniyak naman ng naturang tanggapan na muli silang magdaraos ng kaparehong sermonya sa mga susunod na buwan.

Tiniyak naman ng Pamahalaang Panlungsod na walang babayaran ang mga nais na magpakasal dahil sasagutin na ito ng LGU Tuguegarao.

Ang kasalang bayan ay taunang isinasagawa sa lungsod ng Tuguegrao upang matulungan ang mga nais na magpakasal ng walang sapat na budget para maging legal ang kanilang pagsasama.

-- ADVERTISEMENT --

Para sa mga nais na mag-apply ay maari lamang sumangguni sa tanggapan ng Civil Registry Office ng Lungsod para sa kaukulang mga requirements at karagdagang mga gabay.