Isinasapinal na ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMO) ng lungsod ng Tuguegarao ang resolution na nagrerekomenda na isailalim ang lungsod sa state of calamity bunsod ng malaking pinsala na iniwan ng bagyong Kristine.
Sinabi ni Dr. Roderick Ramirez, head ng CDRRMO, sa sandaling pirmahan ni Mayor Maila Ting Que ang resolution ay isusumite naman ito sa city council para sa kanilang pag-apruba.
Aniya, sa sandaling maisailalim sa state of calamity ang lungsod ay gagamitin ang quick respond fund.
Ayon kay Ramirez, ang naging basehan ng rekomendasyon ay sa libu-libong residente na inilikas sa evacuation centers dahil sa malawakang pagbaha sa lungsod bunsod ng pag-apaw ng ilog Cagayan at Pinacanauan river.
Bukod dito, iniulat ni City Agriculturist Evangeline Calubaquib, na nasa mahigit P10 million ang halaga ang naitalang pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura.
Idinagdag pa ni Ramirez na kailangan din na bigyan ng ayuda ang mga residente na naaapektohan ang kanilang kabuhayan, kabilang na sa sektor ng mga negosyante sa binaha na Macapagal Avenue, at maging sa sektor ng transportasyon o ang mga tricycle driver na hindi nakapasada.
Ayon kay Ramirez, umabot sa 35 mula sa 49 barangays ng lungsod ang binaha batay sa tala ng City Social Welfare and Development matapos na umabot sa critical level ang water level sa Buntun bridge na 11.1 meters.