Isasailalim muli sa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod ng Tuguegarao sa loob ng sampung araw, simula 12:01, Martes ng madaling-araw (March 30) hanggang 12:00 ng April 8, 2021.

Kasunod ito ng naging rekomendasyon ng Pamahalaang Panlungsod na inaprubahan ngayong araw ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) bunsod ng pagdami ng coronavirus disease (COVID-19) cases.

Ayon kay Mayor Jefferson Soriano na may ilang pagbabago sa mga ipapatupad na ECQ na naaayon sa patakaran ng National-IATF.

Sa ilalim ng ECQ, tanging mga residenteng may hawak ng COVID-Shield controll pass ang makalalabas para mamili ng pangangailangan.

Mahigpit pa ring pinagbabawalang lumabas ng bahay ang mga kabataan edad 18 pababa at matatandang edad 65 pataas.

-- ADVERTISEMENT --

Papayagan naman ang mga pampubliko at pribadong sasakyan na may 50% capacity, construction projects, talipapa at iba pang negosyo maliban sa mga side walk vendors, gym at iba pa.

Magpapatupad din ng color-coding scheme sa mga tricycle kung saan ang mga makakalabas tuwing Lunes ay mga kulay berde, asul kapag Martes, pula kapag Miyerkules, kahel kung Huwebes at dilaw pagdating ng Biyernes.

Papayagan rin ang back riding o pag-angkas sa motorsiklo para sa mga Authorized Persons Outside Residence (APOR), pero ito ay sa kundisyon na magkasama sa bahay ang mga sakay at kailangan nilang kumuha ng sertipikasyon mula sa punong barangay.

Curfew na alas-9 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga, maliban sa mga frontliners, deliveries, Authorized Persons Outside Residence, mga manggagawa, garbage collectors, street sweepers, funeral parlors, at medical supply.

Epektibo rin ang liquor ban na nagbabawal magbenta, bumili at uminom ng alak habang nasa ilalim ang lungsod ng ECQ.

Limitado na rin sa delivery at take-out ang mga kainan at ang kapasidad ng ilang workplace sa lungsod kung saan bawal ang mga mass gathering tulad ng mga religious activities o misa para sa Semana Santa na isasagawa na lamang online.

Nananatili namang nakabukas ang mga mall, pero limitado lang ang operasyon nito para sa mga “essential store” gaya ng supermarket at mga botika.

Mahigpit din ipinag-utos ng ni Mayor Soriano ang maayos na pagsusuot ng face mask at face shield sa lahat nang lalabas ng kanilang bahay, sumusunod sa isa o dalawang-metrong physical distancing at umiiwas na makipagkumpulan.

Ikinabahala ni Mayor Soriano ang patuloy na pagtaas ng mga nagpopositibo kung saan nasa full capacity na ang COVID-ward ng Cagayan Valley Medical Center at mga quarantine facility.

Sa huling tala ng City Health Office, nasa mahigit 568 na ang active cases ng COVID-19 sa lungsod kung saan apektado ang 45 sa kabuaang 49 na barangay sa lungsod.

Ang brgy San Gabriel naman ang nakapagtala ng pinakamaraming aktibong kaso ng sakit na umabot sa 72.

Samantala, tiniyak naman ng City Government ang ayuda na ipamimigay sa mga pamilyang maaapektuhan ng lockdown.