Mayor Jefferson Soriano

TUGUEGARAO CITY-Isasailalim sa sampung araw na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Tuguegarao City simula mamayang 12:01 ng hating gabi, Agosto 26,2020 hanggang 11:59 ng gabi ng Setyembre 4,2020.

Ayon kay Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao City, ito ay bilang hakbang sa pagtaas ng bilang ng kaso ng covid-19 kung saan karamihan sa mga ito ay local transmission.

Kaugnay nito, sinabi ni Soriano na pansamantalang sususpindehin ang public transportation ngunit maaring gamitin ang mga tricycle para sa mga essential needs tulad ng pagbili o pagbenta ng pagkain maging ang paghatid ng mga kamag-anak sa kanilang trabaho ngunit kailangan ay lagyan ng “private” sa harap nito at kailangang may ipapakitang barangay certificate bilang patunay na magkasama sa iisang bahay.

Muli ring ibabalik ang paggamit ng covid shield pass para makontrol ang paglabas ng publiko sa kanilang mga tahanan.

Para naman sa mga magtutungo sa lungsod na mula sa ibang bayan sa lalawigan ng Cagayan,maliban sa Enrile ay walang hihingin na anumang dokumento sa checkpoint area ngunit kailangan ay nakasuot ng face mask at face shield.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Soriano na kailangan ang travel pass sa mga manggagaling sa Enrile at sa ibang probinsiya ng rehiyon dahil ilan sa mga pumapasok sa lungsod lalo na ang mga galing sa kalakhang Maynila ay nagsisinungaling sa lugar na pinanggalingan para makaiwas sa 14-day quarantine.

Papayagan pa rin ang motorcycle backriding ngunit kailangan na may ipapakitang patunay na ang magka-angkas ay magkasama sa iisang tahanan.

Mahigpit din na ipinagbababawal ang social gatherings at muling ipatutupad ang liquor ban.

Bukas naman ang mga malls at iba pang establishimento ngunit nilimitahan hanggang 50 percent workforce at muling ipinagbawal ang dine-in.

Ipapatupad rin ang curfew hour simula 9:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw ngunit para sa mga restaurant at iba pang food establishment ay bukas hanggang ng alas 11:00 ng gabi para sa kanilang online deliveries.

Sa ngayon, 25 na ang aktibong kaso ng covid-19 sa lungsod kabilang ang walong pulis kung saan karamihan sa mga ito ay local transmission at 13 barangay na ang apektado kasama ang barangay Cataggaman Viejo na unang isinailalim sa total lockdown.