TUGUEGARAO CITY-Isinailalim sa pitong araw na General Community Quarantine (GCQ) ang lungsod ng Tuguegarao kasunod nang pagtatapos ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) mamayang hating gabi.

Ayon kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, una na nilang hiniling sa opisina ni Cagayan Governor Manuel Mamba na isailalim sa GCQ sa halip na MGCQ o Modified General Community Quarantine ang lungsod dahil sa mataas pa rin na bilang ng kaso ng covid-19 na agad namang ipinadala sa Regional Inter-Agency Task Force at inaprubahan ngayong araw.

Magsisimula ang pagsailalim ng GCQ sa lungsod bukas, Pebrero 4 sa oras na 12:01 ng hating gabi at magtatagal hanggang ika-10 ng parehong buwan.

Kaugnay nito, hiniling ni Mayor Soriano sa hepe ng PNP-Tuguegarao na magdagdag pa ng kanilang kapulisan para mahigpit na mabantayan ang paglabas at pasok ng mga tao sa lungsod.

Ipapatupad naman ang curfew hour sa oras na alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapayagan na rin na bumiyahe ang mga Public transportation ngunit hanggang 20 percent capacity lamang.

Magkakaroon naman ng color coding para sa mga bibyaheng tricycle kung saan ang mga maaari lamang bumyahe sa araw ng Lunes ay ang kulay green, Martes ay blue, Miyerkules ay red, Huwebes ay orange, Biyernes ay yellow habang sa araw ng Sabado ay ang mga may plate number na nagtatapos sa 1, 2, 3, 4, 5 samantalang ang araw ng linggo ay mga nagtatapos naman ng 6, 7, 8, 9, 0.

Pinapayagan na rin ang backriding sa mga motorsiklo pero kailangan ay mayroong certificate na mula sa Barangay na nagpapatunay na magkasama ang magka-angkas sa iisang bahay.

Maaari rin umanong gamitin ang mga private tricycle sa paghatid at pagsundo ng kanilang mga pamilya.

Maging ang dine-in sa mga establishimento ay pinapayagan na rin ngunit kailangan ay 50 percent capacity habang sa mga religious activities ay 30 percent capacity lamang.

Mahigpit pa rin ang pagpapatupad sa paggamit ng covid shield control pass para makontrol ang bilang ng mga lumalabas sa kanilang mga tahanan at maging ang liquor ban.

Para naman sa mga mamamayan na nais pumasok sa lungsod ay kailangan lamang magpakita ng travel pass para sa mga maggagaling sa labas ng Region II habang travel authority naman sa mga mangagaling sa loob ng rehiyon.

Hinimok ng alkalde ang publiko na sumunod sa mga ipinapatupad na health protocols bilang pag-iingat sa nakamamatay na sakit.