Nakatakdang sumabak ang Tuguegarao City bilang kinatawan ng bansa sa isasagawang 2023 China-ASEAN Expo sa September 16, 2023 sa China.
Ito ang inihayag ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que matapos ang isinagawang pakikipagpulong ng mga kinatawan ng China ASEAN Expo sa Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao katuwang ang iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa alkalde, dahil natapos na ang Isabela, Tarlac, Manila at iba pang mga lugar sa bansa ay dito sa bahagi ng Northern Luzon pumili ang mga kinatawan ng nasabing organisasyon at mapalad namang kinuha ang lungsod ng Tuguegarao na kakatawan sa nasabing aktibidad.
Ikinatuwa ng alkalde na sa ganitong aktibidad ay mabibigyan ng pagkakataon ang lungsod na ipakita ang mga ipinagmamalaki ng syudad at ng probinsya sa usapin ng negosyo, turismo at mga serbisyo.
Tiwala si Que na sapat ang kapabilidad ng lungsod upang maging kinatawan sa nasabing expo dahil ang Tuguegarao City ay itinuturing din bilang isa sa Business Friendly City, Seal of Good Local Governance Awardee at marami pang ibang parangal na nakuha nito.
Dagdag pa rito ay tiniyak niya na lalong tututukan ng pamahalaang panlungsod ang pagsasaayos at pagtatayo ng mga imprastraktura at iba pang mga programa na makakaakit sa mga investors na magtayo ng negosyo sa lungsod na itinuturing din bilang regional center.
Inihayag niya na kabilang sa mga ipinagmamalaki ng lungsod ay ang magandang pagkakaroon ng Public Private Parnership kung saan inihalimbawa nito ang pagnanais ng isang solar energy company na pumasok sa lungsod upang makapag-alok ng mas murang supply ng kuryente para sa lahat.
Tiwala rin si Que na bukod sa pagdalo ng mga local business owners sa expo upang maipakita sa ibat ibang mga ASEAN Countries na kasama sa aktibidad ang mga ipinagmamalaki ng lungsod ay mabibigyan din sila ng pagkakataon na matuto sa ibat ibang mga teknolohiyang ginagamit ng ibang bansa sa usapin ng pagnenegosyo.
Sa ngayon ay isinasaayos na aniya nila ang pagbuo ng Technical Working Group upang mapaghandaan ang ilalatag na mga hakbang at makikipag-ugnayan sila sa mga negosyanteng nais sumama sa nasabing aktibidad.