Inilabas na ng Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao ang mga bagong panuntunan sa ilalim ng Alert Level 2 status na ipatutupad hanggang Enero 31 ng kasalukuyang taon.

Kabilang rito ang paghihigpit sa mga papasok na biyahero na galing sa ibang probinsiya bilang bahagi ng precautionary measure dahil sa muling pagtaas ng aktibong kaso ng COVID-19 at sa banta ng Omicron variant.

Ang lahat ng mga biyahero na FULLY VACCINATED o UNVACCINATED na galing sa Metro Manila at iba pang lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 status ay kailangang mag-rehistro muna sa S-Pass system at magpresenta ng negatibong Antigen test result tatlong araw bago ang nakatakdang pagpasok sa lungsod.

Sa mga biyaherong galing sa mga lugar na nasa Alert Level 2, kailangan lamang na magregister sa s-pass.ph at vaccination card para sa FULLY VACCINATED habang negatibong Antigen test result na valid ng tatlong araw bago ang nakatakdang pagbiyahe ang ipapakita ng UNVACCINATED.

Mananatili namang hanggang 70% ang pinapayagang kapasidad ng mga buses at taxis habang dalawang pasahero na lamang ang papayagang isakay ng mga tricycles na bibiyahe sa Lungsod sa ilalim ng coding scheme.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapayagan din ang backriding para sa mga FULLY VACCINATED at kailangan lamang ipakita ang vaccination card at kung isa man sa kanila ay UNVACCINATED ay magpakita lamang ng sertipikasyon mula sa Barangay na magpapatunay na magkasama sila sa iisang bubong.

Sa bagong panuntunan, hindi na papayagang lumabas ang mga batang edad lima pababa, maliban lamang kung essential ang rason.

Ipatutupad naman ang CURFEW para sa mga minors na 18-anyos pababa mula alas 10:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga.

Suspendido rin ang face-to-face classes mula ELEMENTARYA hangang KOLEHIYO, kabilang na ang TECHVOC classes, fiesta celebrations at anumang klase ng contact sports.

Inatasan din ang lahat ng mga tanggapan ng gobyerno na panatilihin sa skeleton workforce o minimum na 50% ang kanilang operational capacity.

Sa mga bibili naman ng gamot para sa lagnat, ubo at sipon na sintomas ng COVID-19, kailangang isulat sa log-book ng botika ang pangalan, address at contacts upang mamonitor ang mga indibidwal na nagse-self medicate.