Tuguegarao City- Inanunsiyo ni Tugeugarao City Mayor Jefferson Soriano sa Bombo Radyo Tuguegarao na nagpositibo siya sa COVID-19 kasama ang dalawang kawani ng kaniyang opisina.
Ayon sa alkalde, unang nagpositibo nitong araw ng Miyerkules ang isa nilang kasamahan na nakaranas ng sintomas.
Dahil dito ay agad silang sumailalim sa swab test at inilockdown ang kanyang tanggapan.
Kanina lamang ng dumating ang resulta ng swab test at natukoy pa na positibo rin isa pang kawani na kasakasama niya sa trabaho.
Sa ngayon ay nasa CVMC na aniya ang dalawang kawani na nagpositibo sa sakit habang nakatakda din siyang dalhin sa Peoples General Hospital upang maisolate.
Humingi naman ng paumanhin ang alkalde sa lahat ng nakasalamuha nito at hinikayat na makipag-ugnayan sa City Health Office para sa kaukulang mga hakbang.
Gayonman, tiniyak ng alkalde na wala siyang ibang nararamdamang sintomas ng sakit at habang makasailalim sa mandatory quatantine ay magpapatuloy aniya siya sa pagtatrabaho upang maiayos ang vaccination plan ng lungsod.
Sinabi ni Mayor Soriano na pangunahing mapapasama sa masterlist ng mabibigyan ng bakuna ay ang mga indigent residents, frontliners, uniformed personnel, senior citizens at vulnerable sectors.
Samantala, nilinaw ng alkalde na sa ilalim ng ECQ na umiiral ngayon sa lungsod ay mahigpit na pinagbabawalan ang mga private at public tricycle na lumabas.
Bawal din ang backriding sa mga motorsiklo kahit na kasamahan sa bahay.
Sakaliman na kailangang lumabas para sa basic necessities ay tanging ang driver lamang ang kailangang sumakay.
Ang mga kolong-kolong naman ay pinapayagan ngunit para lamang sa paghahatid ng mga tubig at pagkain.
Paliwanag ng alkalde na ang mahigpit na panuntunan ay alinsunod sa guidelines ng ECQ dahil nang unang magpatupad ng kaparehong quarantine classification sa lungsod ay maraming mga nananamantalang makapamasada at magsakay ng higit pa sa pinapayagang bilang ng lumabas.