photo credit: city information office

TUGUEGARAO CITY-Wala umanong katotohanan o fake news lamang ang kumakalat na balita na magkakaroon ng lockdown sa lungsod ng Tuguegarao bukas , araw ng Lunes, Hulyo 27,2020 matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (covid-19) ang tatlong health workers mula sa lungsod.

Sa naging panayam kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, bagamat nakapagtala ang lungsod ng confirmed cases ng covid-19, hindi umano ibig-sabihin na magkakaroon na ng lockdown.

Ayon kay Soriano, nasa pangangalaga ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC)ang mga nagpositibo sa virus at kasalukuyang minomonitor sa pagamutan.

Kaugnay nito, nanawagan ang alkalde sa publiko na huwag magpakalat ng fake news sa halip ay ipagdasal na lamang ang mga tinamaan ng nakamamatay na sakit para sa kanilang agarang paggaling.

Hinimok din ng alkalde ang publiko na huwag agad maniniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon dahil magdudulot lamang ito ng pagkabahala sa mga mamamayan.

-- ADVERTISEMENT --
Tinig ni Mayor Jefferson Soriano

Samantala, sinabi ni Soriano na kasalukuyan na nilang inaayos ang ilang mga barangay hall sa lungsod para sa step down quarantine facility.

Ang “step down quarantine facility” ay ang lugar kung saan ililipat ang mga locally stranded individuals (LSIs) na mula sa iba’t-ibang lugar na kasalukuyang nasa mga quarantine facility na inilaan ng lungsod.

Paliwanag ng alkalde, kapag natapos na ng isang LSI ang kanyang sampung araw sa mga quarantine facility ay ililipat na ito sa mga inaayos na barangay hall at doon tatapusin ang 14-day quarantine kung kaya’t tinawag itong “step down quarantine facility” .

Hakbang ito ng LGU-Tuguegarao dahil tuloy-tuloy ang pagdating ng mga LSIs maging ang mga OFWs sa lungsod kung saan punuan na rin ang kanilang mga pasilidad.