TUGUEGARAO CITY-Nilinaw ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano na hindi na kailangan ang anumang dokumento para makapasok sa lungsod kung galing sa ibang bayan dito sa probinsiya ng Cagayan.

Ayon kay Soriano, nabigyan na ng abiso ang miembro ng kapulisan na silang nagbabantay sa mga checkpoint papasok ng lungsod ukol sa naturang hakbang.

Una rito, kumakalat sa social media na kailangang magpakita ng medical certificate at travel pass ang lahat ng mga pumapasok sa lungsod.

Paliwanag ng alkalde, kung sakali na galing sa ibang probinsiya sa region 02 ang isang residente na papasok sa lungsod, kailangang magpakita ng travel pass at health declaration mula sa pinanggalingang probinsya.

Kung galing naman sa ibang Region, travel authority ang kailangang ipakita sa mga checkpoint area para makapasok sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Soriano na mahigpit nila itong minomonitor dahil may mga mamamayan na galing sa ibang region lalo na ang mga galing sa kalakhang Maynila na ayaw sumailalim sa 14-day quarantine.

Tinig ni Mayor Jefferson Soriano

Muli namang pinaalalahanan ng alkalde ang publiko na magsuot ng face mask at obserbahan ang social distancing para makaiwas sa covid-19.

Sa ngayon, sinabi ni Soriano na mayroong siyam na indibidwal kabilang ang limang frontliners ang positibo sa virus na mula sa lungsod ng Tuguegarao na kasalukuyang nagpapagaling.