Tuguegarao City-Muling isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang lungsod ng Tuguegarao na magtatagal ng sampung araw.

Ipapatupad ang ECQ bukas, Enero 20 hanggang 29 ng taong kasalukuyan dahil sa muling pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 sa lungsod kung saan umabot na sa 222 ang aktibong kaso ng virus ngayon.

Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, layon nitong limitahan ang galaw ng publiko para mapigilan ang pagkalat ng virus sa lungsod kung saan mula sa 49 na kabuuang barangay ay 29 rito ang may naitalang aktibong kaso ng nakakahawang sakit.

Kaugnay nito, ipapatupad ang curfew hour simula 9:00 ng gabi hanggang 5:00 umaga sa buong lungsod.

Bukas naman ang lahat ng mga restaurant at eateries ngunit ipinagbabawal ang dine-in at tanging take-out lamang ang pinapayagan.

-- ADVERTISEMENT --

Maging ang mga public market ay bukas pero mahigpit na oobserbahan ang mga health protocols kabilang na ang pagsusuot ng face mask, face shield at pag-obserba sa social distancing.

Twenty percent working capacity naman ang ipatutupad sa mga government agency maging sa construction projects para maipagpatuloy pa rin ang kanilang mga proyekto sa kabila ng pagpapatupad ng ECQ.

Ipinagbabawal naman ang back riding sa mga motorsiklo maging ang mga public transportation na bumiyahe habang nakasailalim sa ECQ ang lungsod.

Sa mga magtutungo naman sa lungsod na mula sa ibang lugar ay kailangan magpakita ng travel pass sa mga checkpoint area para payagang makapasok sa kalunsuran.

Muli ring ipapatupad ang paggamit ng covid shield control pass para sa mga lalabas ng kanilang mga tahanan.

Nilinaw naman ni Soriano na tuloy pa rin ang pagbibigay nila ng medical certificate sa mga lalabas naman ng lungsod.

Babala ng alkalde, palalawigin ang ECQ ng limang araw kung hindi mapapababa ang bilang ng mga kaso ng virus.

Samantala, hindi rin pinapayagan ang pagbiyahe ng mga alagang baboy papasok sa lungsod na mula sa lalawigan ng Isabela bilang pag-iingat rin sa African Swine Fever (ASF).