TUGUEGARAO CITY-Pasok ang lungsod ng Tuguegarao sa Top 10 ng Most Business Friendly City mula sa 120 na 3rd Class City sa buong bansa.
Ayon kay Elena Tuddao, head ng City Investment promotion center, nitong setyembre 26 nang inilabas ang resulta sa isinagawang evaluation ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).
Kaugnay nito, magtutungo si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa lungsod ng Maynila sa araw ng Huwebes para muling idepensa ang kanilang entry para sa target na Top 1.
Paliwanag ni Tuddao, bagamat pasok sa top 10 ang Tuguegarao tanging ang Top 1 o ang tatanghaling champion lamang ang mabibigyan ng parangal o Plaque.
Sinabi ni Tuddao na napili ang Tuguegarao dahil na rin sa dami ng bilang ng mga pumapasok na gustong mamuhunan sa lungsod bukod pa sa pagiging Regional Center nito.
Nabatid na taon-taon ay isinasagawa ang naturang pagpipili kung saan nitong nakaraang taon ay umabot lamang sa top 2 ang lungsod ng Tuguegarao.