

Nabigyan nang mataas na grado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang LGU Tuguegarao sa katatapos na 2022 Peace and Order Council Performance Audit sa provincial level.
Sa audit na isinagawa mula sa 70% na passing rate ay nakuha ng Peace and Order Council ng Tuguegarao City ang over-all rating na 98.44% na maituturing na functional batay sa limang pillars na pinagbatayan sa ginawang assessment gaya ng Organization; Meetings; Policies Plan and Budget; Reports; at General Supervision.
Ayon kay Fernando Calabarason III, city local governmnet operation officer, ang Council ay dapat na nakakapagpulong kada tatlong buwan, mayroong 3-year term-based plan sa Peace and Order and Public Safety, maglaan ng bahagi ng taunang badyet sa kampanya laban sa iligal na droga, at magsumite ng accomplishment report.
Ang mataas na ratings na ito ay isang patunay aniya ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, law enforcement agencies at komunidad sa pagpuksa sa ilegal na droga, paglaban sa ilegal na krimen, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at pagtataguyod ng ligtas na kapaligiran.
Mababatid na ang performance audit ay regular na isinasagawa upang matukoy ang paggampan ng mga lokal na POC, at upang masuri ang kanilang pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan at mga programa para sa kaligtasan ng mga kumunidad.










