Nanguna ang Tuguegarao City Police Station sa performance rating sa giyera laban sa ilegal na droga sa rehiyon dos.
Ayon kay P/Lt. Col. George Cablarda, hepe ng Tuguegarao City Police, nahigitan ng himpilan ang ibat-ibang police stations sa lambak Cagayan sa nakuhang 72.82% na “performance evaluation rating” sa limang naarestong tulak ng droga mula May 28 hanggang June 3, 2019.
Bukod sa mga nahuling drug suspect na nakasuhan na ay narekober din sa kanila ang droga at ibat-ibang drug paraphernalia sa loob ng isang linggong operasyon.
Ang accomplishment ng Tuguegarao City- PNP ay bahagi ng malawakan at sabay-sabay na anti-drug operation ng pulisya sa buong bansa.
Samantala, pumangalawa sa may mataas na bilang ng mga naarestong tulak ng droga ang Solana Police Station (Cagayan) na nanguna noong June 4 hanggang June 10 sa buong rehiyon dos.
Sinundan ito ng Cabatuan Police Station, (Isabela); Dupax del Norte Police Station (Nueva Vizcaya); Cabarroguis Police Station (Quirino); at nasa ika anim na pwesto ang Cordon Police Station (Isabela).
—with reports from Bombo Bernadeth Heralde