
Muling inimbitahan ng lungsod ng Iloilo ang Tuguegarao City na makibahagi sa kanilang ILOmination Streetdance Competition bilang bahagi ng kanilang Dinagyang festival ngayong buwan ng Enero.
Kaugnay nito, inaprubahan ng Tuguegarao city council ang isang resolusyon na nagpapahintulot kay Mayor Maila Ting Que na pumasok sa isang kasunduan o memorandum of agreement sa punong lungsod ng Ilo-ilo.
Sinabi ni Tuguegarao City Tourism Officer Gina Adducul, magbibigay ng subsidiya ang lungsod ng Iloilo na nagkakahalaga ng kalahating milyong piso na gagamitin o pamasahe ng mga dancers at drummers na kalahok sa nasabing kompetisyon.
Maliban sa P500,000 na ibibigay ng host city, maglalaan ang pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao ng P797,000 para sa preparasyon ng mga kalahok.
Ayon kay Adducul na 50 junior at senior highshool mula sa Cagayan National High School na nanalo noon sa Pavvurulun Afi Festival dance competition ang makikilahok sa kompetisyon.
Ito na ang pangalawang beses na sumali ang Tuguegarao sa dinagyang ILOmination Streetdance Competition kung saan nakuha ng lungsod ang ikalawang puwesto sa una nitong pagsabak.
Ang Dinagyang Festival sa Lungsod ng Iloilo ay isang makulay na pagdiriwang na pinagsasama ang debosyong pangrelihiyon, pagpapahayag ng kultura, at masining na pagtatanghal bilang parangal nila sa Santo Niño.
Simula nitong Enero 10 hanggang 25 ay nakalinya na ang mga side events para sa selebrasyon ng Dinagyang Festival 2026.
Kabilang rito ang Kasadyahan sa Kabanwahanan, Dinagyang Food Festival, Dinagyang ILOmination Streetdance Competition at Floats Parade of Lights, at Sadsad sa Calle Real









