Duda si Tuguegaro City Mayor Maila Ting Que na pamumulitika o sadyang pananabotahe ang pagkaka-antala ng pag-apruba sa proposed activities at budget ng Pavvurulun Afi Festival 2023.
Itoy matapos kwestyunin ni City Councilor Claire Callangan, Chairperson ng Committee on Culture, Arts and Tourism ang P12.5 milyon na panukalang budget para sa Afi Festival ngayong taon gayong nasa P12 milyon lamang ang annual budget nito kasama na ang Charter Day o Cityhood.
Sa naging paliwanag ni Que, ang mga ipinasang list of activities at pondo para sa selebrasyon ng pista ay pawang mga estimates lamang na ibinase naman sa budget na nagmula pa sa nakaraang administrasyon na umabot pa nga ang gastos noon ng hanggang P16 milyon.
Kung sakali man sumobra sa pagtaya ay maaari naman aniyang magamit ang pondo para sa Cityhood sa buwan ng Disyembre.
Tinawag naman ni Que na “abuse of authority” ang mga nakasaad na kondisyon sa ipinasang commitee report na bawal nang humingi ng supplemental budget dahil sumobra ang proposed budget ng Afi Festival sa nakalaang annual budget nito kung saan pinababawasan pa ang pondo para sa mga nakalinyang aktibidad sa pista.
Kaugnay nito, hinamon ng alkalde si Callangan na maglabas ng ebidensya o kahit isang comittee report lamang noong nakaraang administrasyon na nagsasaad na bawal humingi ng supplemental budget sakaling lumagpas ito sa annual budget.
Sa kinukwestyon namang magarbo at magastos na opening program na nasa mahigit P2 milyon, pinayuhan ng alkalde si Callangan na magbasa dahil klaro naman ang nakasaad sa list of activities at budgetary requirement na ito ay sa opening and closing program, na nangangahulugang hindi lamang ito isang araw na event.
Base sa program of works, nasa 860 na mga estudyante ang magtatanghal para sa Opening Program at 400 naman ang magtatanghal sa Closing Program kung saan nasa P270 kada araw ang magagastos sa kanilang pagkain para sa tatlong araw na practice.
Dagdag pa ng alkalde na napagkasunduan din na iisang stage na lamang ang gagamitin para Opening Program, pre-pageant para sa Ms Tuguegarao at ang concert at the park upang makatipid sa gastos.
Aniya, limitado na lamang ang araw para sa paghahanda kung kaya nag-aalala ang alkalde na maaapektuhan ang mga nakalinyang aktibidad para sa pista dahil sa aniyay pagharang ni Callangan na maipasa ang pondo nito.
Bagamat pasado na sa committee level, subalit ipinagtataka ni Que kung bakit hindi pa ito pinag-usapan sa plenaryo para pagdebatehan na maaaring nais lamang nilang idelay.
Aniya, maliit na bagay ang P12.5 milyon kumpara sa maaaring maibigay na oportunidad sa lungsod oras na maging matagumpay ang festival ngayong taon partikilar na sa turismo at pagiging business hub nito.
Panawagan ni Que sa konseho, isantabi ang politika at magkaisa para sa mamamayan ng Tuguegarao.