
Isinusulong ni Senator Raffy Tulfo ang paglipat ng Las Piñas–Parañaque Wetland Park o bird sanctuary dahil sa tumataas na bilang ng bird strike incidents sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni Tulfo na umabot sa 953 bird strike incidents sa buong bansa noong 2025, kung saan mahigit 50 kaso ang naitala sa NAIA. Aniya, dapat makahanap ng bagong lokasyon para sa bird sanctuary na malayo sa flight path ng mga eroplano upang mabawasan ang panganib sa mga biyahe.
Gayunman, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources na malaking hamon ang naturang panukala dahil likas na tirahan ng mga migratory birds ang buong Manila Bay. Dagdag pa ng ahensya, batay sa kanilang pag-aaral, karamihan sa bird strike incidents sa NAIA ay sanhi ng racing pigeons at hindi ng mga ibong naninirahan sa wetland park.










