
Bumagsak ng 99.4 porsiyento ang nagastos ng Office of the Vice President (OVP) para sa tulong medikal at panglibing noong 2025, mula ₱820.77 milyon noong 2024 ay naging ₱5.16 milyon na lamang, batay sa financial statements na inilabas ng Commission on Audit (COA)
Kasabay ito ng pagbaba ng alokasyon ng pondo ng tanggapan mula ₱1.9 bilyon noong 2024 sa ₱766 milyon noong 2025.
Samantala, dumoble naman ang tulong medikal at panglibing na pinondohan mula sa donasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), mula ₱29.9 milyon ay naging ₱59.9 milyon.
Sa audit report, pinuna rin ng COA ang ilang kakulangan sa dokumentasyon ng mga grant sa mga organisasyong sibiko at pamamahagi ng relief goods, gayundin ang ₱2.1 milyong livelihood grants para sa 137 benepisyaryo na hindi pa naliliquidate pagsapit ng Disyembre 31, 2025.
Ayon sa COA, mahalagang paigtingin ang pagsubaybay at pagsunod sa mga itinakdang proseso upang matiyak na nagagamit nang wasto ang pondo ng pamahalaan.




