TUGUEGARAO CITY- Welcome sa Philippine Chamber of Commerce and Industry Region 2 ang financial assistance na ibibigay ng ng pamahalaan sa Micro, Small and Medium Enterprises.
Sinabi ni Cloyd Velasco ng PCCI Region 2, malaking tulong na ang anumang ibibigay na tulong ng pamahalaan sa mga maliliit na negosyante at magsisilbi itong inspirasyon sa kanila na ipagpatuloy pa rin ang kanilang negosyo sa gitna na rin ng umiiral na Enhanced Community Quarantine dahil sa covid-19.
Ayon kay Velasco, alam niyang hindi kaya na ibigay ng pamahalaan ang kailangang pondo ng negosyo na nabawasan ang kanilang capital dahil sa pagtigil ng kanilang operasyon o nabawasan ang kanilang kita subalit malaking tulong na rin ang ibibigay sa kanila ng pamahalaan.
Samantala, panawagan din ni Velasco na luwagan ang mga requirements sa pagpapautang ng mga bangko sa mga negosyante.
Bukod dito, sinabi niya na dapat na maisama na rin sa mga makakautang sa mga bangko ang mga negosyante na ang capital ay mas mababa sa P3 million.
Ito ay dahil ang mga negosyante na may kapital na mas mataas sa P3 million ang maaaring makautang sa mga bangko.