Pumalo na sa kabuuang 44,789 na mga alagang baboy na apektado ng African Swine Fever (ASF) ang naisailalim sa culling o pagpatay sa Region 2.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture (DA) R-02, umaabot na sa 7,639 hog raisers ang apektado ng ASF mula sa 549 barangay sa 67 na bayan sa rehiyon.
Malaking porsyento ng apektadong magsasaka ay mula sa lalawigan ng Isabela na halos 65% o katumbas ng 4,846 magsasaka na sinundan ng lalawigan ng Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino.
Base sa datos, naitala ang huling kaso ng 2nd wave ng ASF nitong March 3 sa bayan ng Enrile at Buguey sa Cagayan habang nananatili namang ASF free ang lalawigan ng Batanes.
Kasabay nito, tuloy-tuloy ang pamamahagi ng indemnification o ayuda sa mga magsasakang naapektuhan kung saan nasa mahigit P8 milyon na ang naipamahaging tulong ng ahensya.