Tuguegarao City- Tiniyak ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang ibibigay na tulong ng pamahalaang panlalawigan sa 20 barangay sa Tuguegarao City upang tumugon sa pagpapatayo ng mga isolation facilities laban sa COVID-19.
Sa isinagawang ManCom Meeting ay pinag-usapan aniya nila ang mga ilalatag na panuntunan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ng Governador na kabilang dito ang pagbabawas ng work force sa bawat tanggapan kung saan hanggat maaari aniya ay mas mababa pa sana sa 50% ang papayagang pumasok.
Ito aniya ay upang malimitahan ang galaw ng mga manggagawa at maiwasan ang pagkalat ng virus sa regional center.
Bukod dito, nakipag-ugnayan aniya sila sa DepEd Region 2 upang pansamantalang gawing isolation facilities ang ilang mga paaralan sa lungsod bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon pa sa kanya ay nagbigay na siya ng direktiba sa mga alkalde sa Cagayan na kanselahin muna ang mga aktibidad na nakatakdang isagawa sa lungsod upang maiwasan ang banta ng sakit.
Gayonman ay umapela rin ito sa publiko na sundin ang mga inilatag na panuntunan upang maiwasan ang pagkahawa at pagkalat ng virus na dulot ng COVID-19.