Photo credits: Sarah Coles

Nakatakdang makipagpulong ngayong araw ang pamahalaan ng Pilipinas at pamilya sa employer ng namatay na OFW sa bansang Hongkong.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na nasa Hongkong na ang tatlong anak ng biktima upang asikasuhin ang pagpapauwi sa bangkay at alamin ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Grace Ramos Logan, 53-anyos ng Barangay Caggay, Tuguegarao City.

Batay sa ulat, wala ng buhay nang makita ng kanyang among babae ang katawan ng biktima noong umaga ng September 9.

Kasabay ng pakikiramay, tiniyak ni Cacdac ang tulong ng OWWA sa naiwang pamilya, kasama na ang gastusin sa pagpapa-uwi at pagpapalibing sa biktima.

Nabatid na sampung taon nang OFW si Logan, kung saan taong 2015 nang lumipat ito sa Hongkong mula sa bansang Singapore bilang domestic helper.

-- ADVERTISEMENT --

—with reports from Bombo Eliseo Collado