Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi titigil ang suporta ng pamahalaan para sa anim na pamilya na nawalan at bahagyang nasiraan ng bahay dulot ng bagyong Crising sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.
Ayon kay DSWD-Region II Director Lucia Allan, naunang nagpaabot ang ahensya ng family food packs, sleeping kits at family kits sa limang pamilya na bahagyang nasiraan ng bahay at sa isang pamilya na nawalan ng tirahan na pawang mula sa Barangay Baua.
Nabatid na ang mga nasiraan ng bahay ay malapit sa ilog na naapektuhan ng biglaang pagtaas ng tubig dahil sa mga pag-ulan na dulot ng nagdaang bagyo.
Sa ngayon ay nananatili pa rin sa evacuation center ang isang pamilya na totally damaged ang bahay habang nakabalik na sa kanilang tahanan ang limang iba pa na bahagyang nawasak ang bahay.
Inaalam na rin ng DSWD, katuwang ang lokal na pamahalaan ang iba pang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.