Tumakas umano na naglayag ang motorbanca na tumaob sa karagatan ng Barangay Camiguin sa isla ng Calayan, Cagayan kahapon.

Sinabi ni Coast Guard Ensign Lamie Manglugay, information officer ng PCG District North Eastern Luzon na naglabas ng gale warning ang PCG dahil sa malalakas na alon na ibig sabihin ay walang pinapayagan na maglayag.

Subalit, nagpumilit umano ang motorbanca sa paglalayag at hindi pa man nakakalayo mula sa Camiguin ay tumaob na ito dahil sa hindi nakayanan ang malalakas na alon.

Sinabi niya na mabuti na lamang at may bahagi ng bangka na hindi lumubog kung saan doon nagsiksikan ang 14 na sakay nito.

Ayon kay Manglugay, tumawag ang isa sa mga pasahero sa kanyang ina na siya namang pumunta sa PCG substation sa Camiguin at ipinagbigay-alam ang insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Agad na nagsagawa ng rescue operation ang PCG at iba pang rescue team kung saan ay ligtas naman ang mga pasahero at crew ng nasabing motorbanca.

Papunta sana ang motorbanca sa Aparri.