Tiniyak ng technical working group na bumabalangkas sa Implementing Rules and Regulations ng ‘Magna Carta of the Poor’ na mabibigyang prayoridad ang mga mahihirap na Filipino sa ilalim ng naturang batas.
Ayon kay Jude Nicolas ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), na patuloy nilang pinag-aaralan ang mga programa at serbisyo para sa mga mahihirap upang maitaguyod ang kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, trabaho, edukasyon, pabahay at kalusugan.
Aniya, kabilang ang mga nabanggit na karapatan sa anti-poverty measures na bubuuin sa ilalim ng National Poverty Reduction Plan ng magna carta.
Siniguro ni Nicolas na sa ilalim ng Republic Act 11291, lahat ng mga programa at serbisyo ng gubyerno ay direktang ibababa sa urban poor areas sa buong bansa.
Sa inisyal na nilalaman ng IRR ng batas, nabuo na ang tungkulin ng ilang ahensya ng pamahalaan sa pagsiguro na sapat ang pagkain ng mga mahihirap na sektor lalo na sa panahon ng kalamidad.