Tuguegarao City- Personal na dinaluhan ni Isidro Lapeña, General Director ng TESDA ang turnover ceremony ng mga pangkabuhayan equipment para sa mga target beneficiaries ng kanilang programa sa Rizal, Cagayan.
Ang naturang programa ay sa ilalim sa pakikipagtulungan ng National Task Force Ending Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ilalim ng poverty reduction livelihood and employment cluster.
Umabot sa 125 ang bilang ng mga napiling benepisyaryo mula sa mga barangay ng Anurturu, Liuan at Minanga sa Rizal kabilang pa ang Brgy. Balanni Sto. Niño maging ang Brgy. Apayao at Villa Reyno sa Piat, Cagayan.
Kabilang sa mga ibinigay ng TESDA ay ang mga Makinaryang pang agrikultura, 2 motorized Boat mula BFAR, Fingerlings, vegetables seeds at seedlings at marami pang iba.
Tinatayang nasa P1.2M umano ang halaga ng ipinamigay na tulong sa mga benepisyaryo.
Sinabi ni Lapeña na ginawa nito ang personal na pagbisita upang maipadama ang suporta ng pamahalaan sa komunidad lalo na sa mga nasa malalayong lugar.
Bahagi rin aniya ito ng hakbang ng pamahalaan sa pagpapakita ng pagtugon sa banta ng insurhensiya.
Naniniwala naman si Gov. Manuel Mamba na sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagbibigay ng serbisyo sa publiko ay mahihikayat na magbalik loob sa pamahalaan ang mga rebelde.
Sa ngayon ay mayroon na rin aniyang 30 na mga rebel returnees ang natulungan sa mga programa ng pamahalaang panlalawigan.
Malaki naman ang pasasalamat ni municipal mayor Brenda Ruma sa pagpili sa kanilang mga residente bilang benepisyaryo ng programa upang matulungan sila sa kanilang kabuhayan lalo na ngayong krisis na dulot ng COVID-19.