Patay ang isang 12 anyos na estudyante matapos na bumangga ang kanyang minanehong motorsiklo sa kolong-kolong sa Barangay Remus, Baggao, Cagayan.

Sinabi ni PLTCOL Osmundo Mamanao, hepe ng Baggao Police Station, sa kanilang imbestigasyon, hindi umano napansin ng driver ng motorsiklo na si Mark Glenn Patinggay, residente ng Brgy. Remus ang nakaparadang kolong-kolong sa gilid ng kalsada nang pabalik na sana siya at ang kanyang back rider sa kanilang eskwelahan kahapon ng tanghali.

Ayon kay Mamanao, nagtamo ng severe head injury ang biktima na agad na dinala sa Baggao District Hospital sa Barangay Tungel, subalit idineklara siyang dead on arrival ng umasikasong doktor.

Hindi naman nagtamo ng anomang pinsala ang kanyang back rider na si Eldrin Tolentino, 12 anyos, residente ng Brgy. Taguntungan.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng himpilan ng pulisya ang motorsiklo ng biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, muling nagpaalala si Mamanao sa mga menor de edad na bawal ang magmaneho.

Bukod dito, pinayuhan niya ang mga magulang na huwag payagan na magmaneho ang kanilang mga menor de edad na anak dahil ito ay paglabag sa umiiral na ordinansa sa kanilang bayan.

Iginiit ni Mamanao na hindi naman sila nagkukulang sa kampanya laban sa nasabing ordinansa dahil regular silang nagsasagawa ng mga symposium lalo na sa mga eskwelahan tungkol sa batas trapiko.