Mariing pinabulaanan ng isang two-star general ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isinampang kaso laban sa kanya na rape ng dalawang sundalong lalaki.

Sinabi ng heneral na napaka-imposible ang alegasyon laban sa kanya na sexual assault dahil kaya ng dalawang sundalo na labanan siya.

Sa kanyang counter-affidavit, sinabi ng hindi pinangalanang heneral na malalakas ang dalawang sundalo, hindi sila pinilit o hindi siya gumamit ng armas o anomang matalim na armas, at hindi niya tinakot ang mga ito, at kaya siyang labanan ng mga ito.

Bukod dito, sinabi niya na mabilis lang sana na nakaalis ang mga ito sa kwarto, dahil may access naman sila sa pintuan, dahil hindi naman siya gumamit ng dahas para pigilan ang mga ito.

Batay sa affidavit ng complainants, sinabi ng heneral sa kanila na matulog sila sa kanyang kwarto, na hindi nila sineryoso noong una.

-- ADVERTISEMENT --

Dito umano nangyari ang sexual assault

Kaugnay nito, sinabi ng abogado ng complainants na posibleng mangyari ang rape maging sa mga lalaki, mga babae, at maging sa matitipunong mga sundalo.

Sinabi ni Atty Nico Robert Martin, nakakaranas ngayon ng depression ang dalawang sundalo.

Ayon sa kanya, sumasailalim ang dalawa sa counseling, subalit pumapasok pa rin sila sa kanilang trabaho dahil kailangan nila itong gawin bilang mga sundalo.

Sinibak na sa kanyang pwesto ang nasabing heneral at isinailalim sa restrictive custody ng Philippine Air Force.

May nakita naman ang Armed Forces of the Philippines’ Office of Ethical Standards and Public Accountability na prima facie evidence na posibleng magbunsod para maharapm sa pre-trial investigation ang nasabing heneral.

Samantala, nasa kamay na ni AFP Chief-of-Staff General Romeo Brawner Jr. ang initial probe findings sa nasabing kaso.

Nangyari umano ang insidente noong gabi ng January 29, 2025 sa isang event kasama ang nasabing heneral sa San Fernando Air Base sa Lipa, Batangas pagkatapos ng inuman.