TUGUEGARAO CITY- Kinumpirma ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City na may namatay na isang 2 years old na babae na nagpositibo sa covid-19 na mula sa Barangay Baculud, Iguig, Cagayan.

Sinabi ni Dr. Baggao, dinala ang bata kahapon sa CVMC na dehydrated dahil sa ilang araw na pagdudumi, may lagnat at bumaba ang oxygen level sa kanyang katawan.

Ayon kay Baggao, agad na isinailalim sa swab test ang bata at positibo ang kanyang resulta.

Idinagdag pa ni Baggao na hindi matukoy kung kanino na-expose ang bata sa virus.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, umakyat na sa 41 ang covid-19 related deaths sa Region 2 kung saan walo mula sa Cagayan.

Kaugnay nito, sinabi ni Baggao na nagpositibo rin sa covid-19 ang tatlong pediatrician na nag-asikaso sa nasabing bata.

Ayon sa kanya, patakaran kasi sa CVMC na kailangan na magpa- swab test ang mga naka-duty sa covid ward pagkatapos ng kanilang isang linggo na duty bago sila maka-quarantine.

Sinabi ni Baggao na hinihintay na rin nila ang resulta ng swab test ng iba pang duktor at iba pang medical staff.

Samantala, sinabi ni Baggao na 35 na covid-19 patients ang kanilang binabantayan ngayon sa CVMC.

Sa nasabing bilang 23 ang positive na mula sa Cagayan, Isabela at Kalinga habang ang suspect cases naman ay 12.