Pinaigting ng United States government ang kampanya laban sa visa fraud matapos maglunsad ng bagong online portal para sa pagsusumbong ng mga hinihinalang immigration scam.

Kabilang sa tinututukan ng mga awtoridad ang paggamit ng pekeng dokumento, sham marriages, shell companies, bogus job offers at mga scheme na may kaugnayan sa birth tourism.

Ayon sa U.S. Department of State, maaaring magsumite ang publiko ng impormasyon laban sa mga indibidwal, broker, employer o organisasyong hinihinalang umaabuso sa proseso ng pagkuha ng U.S. visa.

Kasama rin sa mga dokumentong sinusuri ang pekeng bank records, employment certificates, invitation letters at travel plans na umano’y ginagamit upang manlinlang ng mga U.S. consular officer.

Maaari ring maharap sa visa revocation, pagtanggi sa mga susunod na immigration benefits at imbestigasyon ng law enforcement ang mga mapapatunayang lumabag sa U.S. immigration laws.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw naman ng U.S. authorities na hindi awtomatikong nangangahulugang fraud ang isang kasal, employment arrangement, negosyo o biyahe para sa panganganak.

Nakabatay pa rin ang enforcement action sa ebidensya at kung sadyang nagsumite ng mali o mapanlinlang na impormasyon sa mga awtoridad.