
Kabilang na ang ube at calamansi sa mga produktong nakikitang lumalakas ang posisyon sa export market ng Pilipinas, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), kasabay ng patuloy na paglago ng coconut exports ng bansa.
Ayon kay Trade Secretary Maria Cristina Roque, lumobo ng 35 porsiyento ang coconut exports ng Pilipinas habang nakikita rin ang pagtaas ng demand para sa ube at calamansi sa pandaigdigang merkado.
Sinabi ni Roque na bagaman nananatiling malakas ang export performance ng mga produktong pineapple at saging, lumalawak na rin ang interes ng mga dayuhang merkado sa iba pang produktong agrikultural tulad ng ube at calamansi.
Ibinahagi rin ng DTI na kabilang sa pangunahing export markets ng Pilipinas ang Estados Unidos, European Union, mga bansa sa Asya, South America, at United Kingdom.
Batay sa datos ng ahensya, naitala noong 2025 ang all-time high sa export performance ng bansa na may 15.4 porsiyentong paglago, habang umabot naman sa pinakamataas na antas mula 1991 ang export growth noong Marso ng kasalukuyang taon.
Ayon pa sa DTI, patuloy ang pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa sektor ng agrikultura, kabilang ang isang malaking kumpanyang Thai na magtatayo ng operasyon sa Pilipinas na gagamit ng humigit-kumulang 500 niyog kada araw.
Inihayag din na nakatakdang magtayo ng coconut processing plant sa General Santos City ang lokal na kumpanyang Liwayway Marketing Corporation upang suportahan ang lumalaking global demand sa coconut-based products.




