Natanggap na ng mga Unconditional Cash Transfer (UCT) beneficiaries sa Dinapigue, Isabela ang kanilang cash grant mula sa Department of Social Welfare and Development.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Jeslimar Layugan, Focal Person ng Listahanan at UCT Program ng DSWD RO2, 199 indibidwal ang tumanggap ng kanilang ayuda na tig P2,400 para sa taong 2018 at 186 indibidwal naman ang tumanggap ng tig-3,600 para sa taong 2019.
Sila ang mga benepisyaryong hindi nakadalo sa mga payout noong 2018 at 2019 at hindi nakatanggap ng nasabing ayuda dahil sa kawalan ng cash card ng mga benepisaryo sa mga nasa island municipalities kung kaya itinakda ang cash payout.
Ipinaliwanag ni Layugan na ang halagang P2,400 ay katumbas ng P200 kada buwan noong 2018 at nagiging P300 ito sa taong 2019 kung saan natapos ang programang UCT noong 2020.
Gayunman, hindi pa umano napopondohan ang para sa 2020 kung kaya hindi pa ito naibibigay sa mga benepisaryo.
Katuwang ng DSWD ang mga sangay ng Land Bank of the Philippines sa pagkakaloob ng cash grants sa mga natukoy na benepisyaryo na kabilang sa mga mahihirap na sambahayang natukoy sa Listahanan.