
Kasabay ng pagpapalawig ng Department of Education (DEPED) sa seguridad ng mga paaralan, hinikayat ni Education Secretary Sonny Angara ang mga paaralan sa buong bansa na palakasin ang papel ng Parent-Teacher Associations (PTAs).
Ito ay bilang mahalagang katuwang sa pangangalaga sa kapakanan ng mga mag-aaral at pagpigil sa mga insidente ng karahasan sa mga eskwelahan.
Ayon sa DEPED, mahalagang plataporma ang mga PTA sa maagang pagtukoy sa mga suliraning kinakaharap ng mga mag-aaral, pagbibigay ng kinakailangang suporta, at pagpapakilos sa komunidad para sa kanilang proteksyon.
Sa ilalim ng Omnibus PTA Guidelines, nagsisilbi ang mga PTA bilang pormal na mekanismo kung saan maaaring talakayin ng mga magulang at guro ang mga isyung kinahaharap ng mga mag-aaral at ang mga posibleng solusyon.
Sinabi pa ng DEPED na susundan ito ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, civic organizations, at iba pang katuwang para maisulong ang kapakanan ng mga mag-aaral.










