
Naranasan ng ilang lungsod sa Ukraine at ng karatig-bansang Moldova ang malawakang power outage nitong Sabado, Enero 31, matapos magkaaberya sa mga linya ng kuryenteng nag-uugnay sa dalawang bansa.
Sinabi ni Ukrainian Energy Minister Denys Shmyhal na ang insidente ay dulot ng technical problem na nagresulta sa pagpalya ng power grid ng Ukraine, dahilan upang awtomatikong mag-activate ang mga protection system.
Naitala ang brownout sa Kyiv pati sa mga rehiyon ng Zhytomyr at Kharkiv.
Dahil dito, pansamantalang naputol ang suplay ng tubig sa kabisera at nahinto rin ang operasyon ng subway system bunsod ng mababang boltahe.
Maging ang Moldova ay naapektuhan, kabilang ang kabisera nitong Chisinau.
Ayon kay Moldovan Energy Minister Dorin Junghietu, ang pagkawala ng kuryente ay sanhi rin ng pagkaputol ng linya mula sa Ukraine at hinikayat niya ang publiko na manatiling kalmado habang isinasagawa ang restoration.
Ang insidente ay kasunod ng pag-atake ng Russia sa energy infrastructure ng Ukraine, na nagdulot ng matinding kakulangan sa kuryente, at tubig.
Inilarawan ito ng mga opisyal ng Ukraine bilang “weaponization of winter.”
Lalong pinahirap ng sitwasyon ang mga mamamayan dahil sa taglamig ngayong taon, kung saan inaasahang babagsak ang temperatura sa ilang lugar hanggang -30°C, ayon sa Ukraine State Emergency Service.
Samantala, sinabi ni U.S. President Donald Trump na pumayag si Russian President Vladimir Putin sa pansamantalang pagtigil ng pag-atake sa Kyiv at iba pang lungsod dahil sa matinding lamig.
Kinumpirma ng Kremlin na personal umanong hiniling ito ni Trump upang magbigay-daan sa posibleng negosasyon.





