Nagluluksa ngayon ang Ukraine kasunod nang pinakamatinding missile strike ng Russia sa loob ng ilang buwan na kumitil sa nasa 41 katao at 116 ang nasugatan.
Kabilang sa tinamaan ng missile ang pangunahing hospital para sa mga bata sa Kyiv.
Dalawa ang namatay nang tamaan ng missile ang Ohmatdyt Children’s Hospital, pinakamalaking paediatrics facility ng Ukraine, at kasalukuyan ang paghahanap sa mga survivors sa posibleng natabunan ng guho.
Itinanggi naman ng Russia na pinuntirya nila ang nasabing ospital at sinabing ang tumama sa pasilidad ay mula sa air defense missile ng Ukraine, habang sinabi naman ng Ukraine na may nakita sila na ilang bahagi ng Russian cruise missile.
Tinawag ni Ukranian President Volodymyr Zelensky ang pag-atake na brutal at inilarawan niya si Russian President Vladimir Putin na “bloody criminal”.
Sinabi ni Zelensky na naglunsad ang Russia ng mahigit 40 na missiles at sinira ang halos 100 na gusali sa Kyiv, Dnipro, Kryvyi Rih, Sloviansk at Kramatorsk.
Kinondena naman ng world leaders na kaalyado ng Ukraine ang nasabing pag-atake, kabilang ang bagong british Prime Minister Keir Starmer.