TUGUEGARAO CITY-Blessing kung ituring ng mga magsasaka sa bayan ng Baggao ang ulan na dala ng bagyong Carina.
Ayon kay Baggao Mayor Joan Dunuan, benepisyo sa mga tanim na mais at palay ng mga magsasaka ang ulan na dala ng bagyo dahil mahigit isang buwan din na walang ulan sa lugar.
Aniya, dahil sa ulan, nabigyan ng pag-asa ang magsasaka sa kanilang mga pananim na lumago.
Sa ngayon, sinabi ng alkalde na passable pa rin ang kanilang mga tulay partikular sa ang Bagunot at Abusag overflow bridge.
Ngunit, pinayuhan ni Dunuan ang publiko na kung lalakas ang ulan sa susunod na tatlong oras ay magsasagawa na ang kanilang tanggapan ng pre-emptive evacuation lalo na ang residente na malapit sa mga bundok.
Isa ang Baggao sa nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 dahil sa bagyong Carina kasama ang Batanes – Babuyan Islands – northeastern portion ng mainland Cagayan partikular sa bayan ng Santa Ana, Gonzaga, Santa Teresita, Buguey, Lal-lo at Gattaran.