Umaabot sa P13.4 milyon na halaga ng marijuana bricks ang nasabat ng mga otoridad sa apat na indibidwal sa Tabuk City, Kalinga.
Kinilala ang mga suspek na sina Augusto Formales Galicia at Wenceslao Formales Galicia, kapwa driver at residente ng Antipolo City; Eduardo Libao Patiga, truck helper, residente ng Makati City; at isang John Benedick Esperito Camia, 22-anyos, helper, mula Imus, Cavite.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Col. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office na naharang ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang itim na SUV na lulan ang apat na suspek sa checkpoint sa Brgy. Bantay.
Nang silipin ang sasakyan, tumambad sa mga otoridad ang nasa 112 kilos ng marijuana bricks na nakalagay sa anim na karton at dalawang sako na tangkang ipuslit papuntang Maynila at pinaniniwalaang kinuha sa bayan ng Tinglayan.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek na nasa kustodiya ng pulisya.