Walang nakitang paglabag ang Department of Trade and Industry sa isinagawang enforcement activity sa mga timbangan ng palay at mais ng mga traders sa bayan ng Lasam, Cagayan.
Ang inspeksyon ay isinagawa kasunod ng reklamo na natanggap ng Provincial Government sa umanoy mga depektibong timbangan ng mga traders sa naturang bayan.
Gayunman, sinabi ni Serafin Umoquit, trade and industry development specialist ng DTI Region 2, na batay sa kanilang inspeksyon katuwang ang technical expert ng Department of Science and Technology Region 2 ay tama o nasa wasto ang mga timbangan ng mga traders.
Sinabi ni Umoquit na apat na traders ang napuntahan ng grupo kung saan walong bascula at apat na truck scale ang isinailalim sa inspeksyon.
Kasabay nito ay humiling na rin ang LGU ng pagsasanay para magkaroon ng technical capabilities na magsagawa ng sariling inspeksyon sa mga timbangan na ginagamit ng mga traders upang maiwasan ang panloloko at maprotektahan ang mga consumer.